|
Beadworks ni Rony Poblacion |
Ito ay isang pelikulang tungkol sa mahirap na buhay ng pamilya ni Manong Domingo. Napilitan ang kanyang mga anak na kumapit sa patalim (gaya ng pagbibenta ng laman sa kaparehong kasarian) upang makatulong sa kanilang mga magulang, mapawi man lang ang kanilang pagod sa araw-araw na pag-be-beadwork.
Marami akong nakitang mga kalakasan at kahinaan ng Beadworks. Ang mga kalakasan ng pelikula ay sumusunod: una, magaling ang pagkaka-arte ng bawat artista. Makikita talaga sa kanilang mga
facial expressions kung ano ang gusto nilang iparating sa mga manonood. Pangalawa, para sa akin,
fit o akma ang mga artista sa kani-kanilang mga karakter na ginagampanan. Isang halimbawa ay si Keith Mamon na bagay na bagay sa kanyang pagiging barayang lalaki. At pangatlo o panghuli, maganda ang
cinematography o ang masining na paraan ng pag-re-record ng
video. Hindi kasi ito tulad ng ibang independent films na napanood ko na parang recording lang ng isang pisikal na kaganapan ang istilo ng kanyang pagkukuha ng video.
Syempre, kung may mga kalakasan, mayroon din namang mga kahinaan. Ito ay ang mga sumusunod: una, isang irony na pinayagan ng ina ang kanyang lalaking anak na makipag-sapalaran sa ibang lugar upang magbenta ng laman sa mga kaparehong kasarian. Nais niya (ang ina) raw kasing makatulong siya (ang anak) sa kanila. Pero, noong bumalik ito sa kanilang tahanan, sugatan at napilayan (dahil siya ay nasagasaan), pinagalitan niya ito dahil daw umalis lang ito at iniwan silang naghihirap. Pinayagan niyang umalis tapos nagalit siya nung bumalik. Kaya nga umalis ang anak dahil gusto niyang matulungan ang kanyang mga magulang, diba? Kaya, para sa akin, may mga parte kung saan nagkulang ang manunulat at
scriptwriter. Pangalawa, napansin din namin ng aking mga kasamahan, ang masikip na
shorts na sinuot ni Voltaire. Paano niya kaya ito sinuot na nakabalot ang kanyang kanang binti ng makapal na
bandage? Kailangan din kasing pansinin at suriin kahit ang pinakamaliit na detalye upang makabuo ng magandang pelikula; dahil, ang kahit pinakamaliit na detalye ay nagbibigay ng
touch of reality sa mga manonood.
Sa pangkalahatan, mahusay ang pagkakagawa. Natuto ko ring mahalin ang pelikulang gawang Pinoy dahil nakita ko ang pagkasensitibo ng mga Pilipino sa mga isyung panlipunan. Minumulat ng mga pelikulang tulad ng
Beadwork ang mga manonood sa katotohanang may mga tao talagang ginagawa lang ang lahat, masira man ang dignidad, para lang sa kapakanan ng pamilya.